Hinagpis ng Haligi (Maikling Kwento: Retorika)

Hinagpis ng Haligi

Walang patid ang pag-agos ng luha sa mga mata ni Adela, waring ayaw magpapigil. Kasabay ng malalakas na ulan ng gabing iyon ay ang paghugot niya sa kanyang hiningang pagkalalim-lalim. Mata niya’y namumugto na’t namumula patunay sa hindi niya pagtigil sa kaiiyak.Natikman nanaman niya ang mabigat na kamay ng kanyang ama, saksi ang bilugang pasa sa kanyang noo, putok sa kanyang labi at namamagang braso.

Hindi na ito naawa sa kanyang kalagayan, kabuwanan na niya at tila bang may malaking bolang bumbon ang kaniyang tiyan sa laki. Madalas na ngang maghilab ang kaniyang tiyan ngunit kailangan niya tiisin iyon.

Napabalikwas siya sa  pagdagundong ng kulog kasabay ng pagtawag sa kanya ng kanyang ama na tila bang kuryenteng biglang bumubuhay sa dugo niya at pinipilit na kalimutan ang sakit na kaniyang nararamdaman. Hindi dahil sa sasaktan nanaman siya nito kundi naawa na siya sa batang nasa sinapupunan niya.

“A-de-la”, sigaw ni Nilo na halos di na makaupo sa kalasingan.

“I-itay?”, sagot niya habang natatakot na papalapit sa ama baka kung ano nanaman ang mapulot ng ama at maihagis sa kanya.

“Ikuha mo ako ng alak hik sa tindahan hik

“Itay marami na ho tayong utang sa tindhana at di pa po tayo nakakabayad sa utang natin noong nakaraang araw”

“Wala akong pakialam hik basta ikuha mo ako ng alak hik

“Itay kasi ho –”

“May sinasabi ka pa ba diyan?”, putol ni Nilo sa kanyang anak.

“Puro kayo satsat, pare-parehas kayong mga babae hik manang-mana ka sa iyong ina hik

Natatarantang lumabas si Adela sa bahay na pinanaugan, di alintana ang malakas na ulan at dahil sa kaniyang kalagayan ay maingat siyang naghanap ng maipapandong sa kanyang ulo, nahanap niya’y payong na baluktot na lumang luma, agad niya itong kinuha at dali-daling dumako sa tindahan. Kagaya ng nakagawian ay umutang nanaman siya sa tindahan dala ng nakasanayang dahilan. “Aling Tasya, maari ho bang umutang ng alak para kay itay sa makalawa nalang ho babayaran”. Pagkaabot ng alak ay napangiti si Adela nais niyang huwag na uminit ang ulo ng kanyang ama.

Sa labas palang ng kanilang bahay habang papauwi siya’t dala ang likidong nais ng kanyang ama ay rinig na ang napakalaking boses ni Nilo, nagtatatalak nanaman ito tungkol sa pag-iwan sa kanila ng kanyang ina at pagsama nito sa amerikanong di makakailang may sinabi sa buhay. Simula ng mawala ito’y wala nang inatupag ang kaniyang ama kundi ang pagpakalunod sa alak maging ang kanilang sakahan ay naatang na sa kaniyang responsibilidad dagdag bigatin sa mga gawaing bahay na dapat niyang tupdin. Minsan sa kalasingan ng kaniyang ama ay di maiiwasang ikumpara siya nito sa kaniyang ina lalo’t dala niya sa sinapupunan ang anak nila ng nobyo niya na iniwan siya’t mas piniling sumama sa babaeng sopistikadang anak ng kanilang kapitan.

“I-itay ito na ho” sabay nanginginig na abot sa kaniyang ama.

“ Itay kung gusto nyo hong kumain may natira pa pong Asuhos sa lamesa ibinigay ho ni Aling Lumeng, wala pa hong laman yang tiyan ninyo simula kaninang umaga kundi alak.”

“Pwe !” sambit ni Nilo dahil sa inis sabay sipa sa tokador na nasa paahan ng kamang yari sa kawayan, na sa lakas ay napabalikwas si Adela. Sa gulat niya’y lalo tumindi ang paghilab ng kanyang tiyan ngunit di lang naman siya nakagalaw sa kaniyang kinalalagyan. Wala siyang ibang nagawa kundi ang mapangiwi sa sakit.

“Tinatanong ba kita? hik umalis ka nga sa harpan ko hik. Pampasira ka nang gabi eh hik” sambit ni Nilo sa lakas ay halos maglabasan ang ugat sa kaniyang leeg.

Walang ibang nagawa si Adela, lumayo na lamang siya dahil wala na siyang ibang naisip na paraan upang maayos pa ang relasyon nila mag-ama.

KA-BOOM”

Tunog ng pintuan ng tokador na sinipa ni Nilo. Tuluyan na ngang bumigay iyon. Sa lakas ng dagundong niyo’y ikinatriple na nang sakit ng tiyan ni Adela. Samantalang si Nilo ay di man lang natinag at dahil sa kalasingan ay nakatulog na.

Sa puntong iyon ay napangiwi na siya sa sobrang ng paghilab ng kanyang tiyan, waring di na papapigil ang batang nasa sinapupunan niya. Wala na siyang ibang naisip na solusyon kundi sadyain ang bahay ng komadronang napakiusapan niyang magpapanak sa kanya tutal dalawang kanto lang naman ang layo niyon sa kanila, subalit tantiya niya’y dahil sa kalagayan niya ay mahihirapan siya ng husto sa pagpunta roon.

Pagbukas niya ng pinto’y malamig na hangin ang sumalubong sa kanya na nagpatayo sa kanyang balahibo at tila nanuot sa kanyang kalamanan na nagdudulot ng di kanais-nais na sakit sa kaniyang tiyan at siya’y halos mapabalikwas.

Sa bawat hakbang na tinatalunton niya’y tila ba pabawas ng pabawas ang kaniyang lakas tila bang doble ang kanyang bigat at daig pa niya ang may bitbit ng dalawampung kilo ng bigas.

Dahil sa malakas na hangin at pagbugso-bugsong ulan ay walang taong nagdaraan sa kalye, tanging ilaw na malamlam na galing sa poste ang nagsisilbing liwanag sa daraanan niya. Tanging mga hampas ng hangin ang ingay na maririnig, ni kahit isang pangtranspostasyon sa bayang iyo’y walang nagnais sa salubungin ang  lamig ng gabing iyon.Sapo niya ang kaniyang tiyan dahil sa sakit at isang kamay nama’y hawak ang baluktot na payong na kupas  ang kulay.

Di nagtagal ay narating din niya ang komadrona.

TOK! TOK!

Malalakas na katok na nangibabaw sa kabahayan ni Aling Nora, pagkabukas noo’y agad na ibinuwal si Adela na agad nabitawan ang payong na nagpadala sa malakas na hangin.

“A-adela?” sambit ni Norang nagmamadaling lumapit sa kaniya at hinawakan ang naninigas at napakalamig niyang mga kamay habang nag -aalala sa kalagayan niya. Basang-basa na ang damit na suot niya at maputla na ang kanyang mukha. Di anu-anong napadako ang tingin ni Aling Nora sa hita ni Adela at bumulaga sa kanya ang duguang hita nito at tila ayaw na magpapigil na pulang likido.

“Aling Nora, manganganak na ako, hindi ko na kaya” mahina niyang sabi habang sapo ang kanyang tiyan. Napasandal siya sa pintuan at kasabay ng nakabibinging kulog at nakabubulag na liwanag  ng kidlat ay siyang pagkawala ng malay ni Adela at pagbagsak sa bahay na yaon.

Waring apoy na nakususunog ang pagdantay ng sikat ng araw sa balat ni Nilo saksi dito ang mga alimuom sa gilid ng palayan. Kasabay nito’y di kalakasan na hangin na unti-unting humahampas sa patpatin niyang katawan at butil-butil niyang pawis na naglalandas sa kanyang noo. Lubog na ang kanyang mga pisngi at may kalungkutang ibinabadya ang kanyang mga mata.

Kung paano siya nagsipag at nagtiyaga sa paglalagay ng pataba ay ganoon din naman kabilis naupos ang liwanag ng araw at siyang pagsilip ng buwan sa nag-aagaw na liwanag at dilim ng bughaw na langit.

Kasabay ng pagkagat ng dilim ay ang paglandas ng alak sa lalamunan ni Nilo na tila bang natitirang kasagutan sa kanyang kalungkutan. Tanging ang mga kuliglig sa mga puno ang nagsisilbing musika sa gabing yaong mapanglaw at tila nakikiramay sa pag-iisa niya. Kasabay nga ng alak na sumasangkap sa daloy ng kanyang dugo ay tila ba patuloy na inuusig siya ng kanyang konsensya, patuloy sa pagsakit ang kanyang puso na tila ba tinutusok ng sanlibong karayom dahil sa mga salitang di niya nagawang sabihin noon.

“Tata Nilo !” tinig ng isang batang si Obet habang papaupo sa tabi niya hawak ang pinulumpon na dahon na nagsisilbing laruan.

Napalingon siya sa bata at sa isang iglap ang dating matapang at di patitinag na anyo ni Nilo’y napalitan ng nakakaawang Nilong naghahanap ng masusumpungan. At sa mga oras na iyon ay hagulguol ni Nilo ang pamailanlang sa katahimikan ng malawak na palayan, pati ang hangin ay nakiisa na dahan-dahng dumadantay sa kanila. Wala siyang ibang nagawa kundi ang yakapin ang batang musmos ng pagkahigpit-higpit. Dahil yan na lamang ang tanging bumibigkis sa kanila mag-ama.

“Patawarin mo ako anak, mahal na mahal kita” tanging salitang namutawi sa bibig niya na di niya nasambit kay Adela.

 

Advertisements

2 thoughts on “Hinagpis ng Haligi (Maikling Kwento: Retorika)

WOULD LOVE TO HEAR YOUR THOUGHTS :D

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s